Bumisita si former President Rodrigo Duterte sa musoleo ng kanyang mga yumaong magulang sa Roman Catholic Cemetery sa Davao City.
Dumating ang convoy ng dating pangulo bandang alas-9 ng gabi, isang oras matapos ang pagsara ng lahat ng mga libingan sa buong lungsod.
Dinagsa si FPRRD ng mga tao sa loob ng sementeryo sa gabi ng kanyang pagpunta sa puntod ng kanyang mga magulang.
Sa kanyang pakikipag-usap sa mga naroon, nailahad ng dating pangulo na nandoon pa rin ang presensya ng mga rebeldeng grupo na ginagawang kuta ang mga sementeryo sa mga liblib na lugar, ngunit ginagarantiya ng pangulo na patuloy ang pag-uusig ng gobyerno laban sa mga rebeldeng grupo.
Tinitiyak din ng dating pangulo sa mga residente malapit sa naturang sementeryo ang kaunting tulong na ihahatid sa kanila sa pamamagitan ng kanyang kanang kamay na si Senador Bong Go na kasalukuyang nasa France para sa isang conference.
Matapos ang isang oras ay umalis din si Duterte bandang alas-10 ng gabi.
Sa kabilang banda, nakapanayam ng Bombo Radyo Davao ang 61 anyos na tinderang si Ildifonsa Francisco, taga- Lakandula St., R. Castillo St., nitong lungsod, na taon-taong naghihintay sa Roman Catholic Cemetery para lang makita ang dating Pangulong Duterte.
Matyagang naghintay simula umaga si Lola Ildifonsa sa pagdating ni dating Pangulong Digong upang makahingi ng tulong sa pabahay at dagdag-puhunan para sa kanyang maliit na tindahan.
Taunang bumibisita si Duterte sa mga mga yumaong magulang tuwing Undas at ito din ang kanyang kauna-unahang pagbisita at pakikiisa nito sa pag-alaala sa kanyang mga yumaong magulang matapos ang anim na taong panunungkulan bilang Pangulo ng Pilipinas.