Pinanindigan ng Sandiganbayan ang naunang desisyon nito na ituloy ang paglilitis kay dating Land Transportation and Franchising Regulatory Board (LTFRB) executive director Samuel Aloysius Jardin dahil sa umano’y pagtanggap ng P4.6 million na bribe money.
Sinabi ng anti-graft court na walang merito ang apela ni Jardin na ibasura ang nasabing kaso.
Sa isang 12-page Resolution, sinabi ng korte na ang CCTV footage na iniharap ni Jardin sa korte, na hindi nagpapakita sa kanya na tumatanggap ng naturang suhol, ay hindi nagpapawalang-bisa sa alegasyon ng prosekusyon na natanggap niya ang P4.6 million cash.
Ang pera ay galing umano sa isang Michelle Sapangila kapalit ng pag-iisyu ng Certificate of Public Convenience.
Binanggit din ng Sandiganbayan ang testimonya ng korte ni Sapangila na nagsabing ibinigay niya ang pera sa comfort room, at hindi sa lugar na nakunan ng CCTV footage.
Dagdag pa rito, sinabi ng anti-graft court na binigyan ng pagkakataon si Jardin na tumugon sa mga paratang laban sa kanya at aktibo siyang lumahok sa preliminary investigation sa pamamagitan ng pagsusumite ng kanyang Verified Answer/Counter Affidavit at supporting evidence.
Nangangatwiran ang korte na pagkatapos ng pagpapalabas ng Resolution ng Ombudsman na may petsang December 22, 2020 sa paghahanap ng probable cause para kasuhan ang akusado sa korte, nabigyan ng pagkakataon si Jardin na humingi ng reconsideration nito, at inihain niya ang kanyang Motion for Reconsideration.