-- Advertisements --

CAUAYAN CITY – Nilinaw ni Manila Economic and Cultural Office (MECO) Chairman Silvestre Bello III, naging government peace panel chief negotiator sa CPP-NPA NDF sa ilalim ng ilang presidente na hindi naging stumbling block o balakid si yumaong Communist Party of the Philippines (CPP) founder Jose Maria Sison kundi siya ang pinakamadaling kausap noon sa mga isinagawang negosasyon.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Atty. Bello na nalungkot siya nang mabalitaan na pumanaw na si Sison dahil mula sa panahon ni dating pangulong Corazon Aquino hanggang kay dating Pangulong Rodrigo Duterte ay madalas nilang nakakapanayam si Joma para sa peace negotiation.

Aniya, malapit na sanang magkaroon ng interim peace agreement noon kung hindi lamang nagkaroon ng COVID-19.

Ayon kay Atty. Bello, umaasa siya na matutuloy pa rin ang peace negotiation kahit wala na si Sison dahil bilang isang dating government chief negotiator ay napakahalaga na ituloy ang negosasyon para makamit ang tunay na kapayapaan sa bansa.