Nahaharap sa mga reklamong kriminal at administratibo ang dating kalihim ng Department of Budget and Management (DBM) na si Amenah Pangandaman kaugnay ng umano’y iligal na paglilipat ng bilyun-bilyong pisong pondo mula sa PhilHealth at Philippine Deposit Insurance Corporation (PDIC) patungo sa National Treasury.
Ang reklamo ay inihain ni Dr. Tony Leachon sa Office of the Ombudsman laban kay Pangandaman para sa umano’y technical malversation, graft, at iba pang administratibong paglabag.
Nakasaad sa reklamo na dapat umanong isama si Pangandaman bilang respondent dahil sa umano’y papel nito sa pag-apruba at pagpapatupad ng mga hakbang kaugnay ng kontrobersyal na paglilipat ng pondo habang siya pa ang kalihim ng DBM.
Kabilang sa tinutukoy sa reklamo ang paglilipat ng P60 billion sobrang pondo ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) at P107 billion pondo ng PDIC sa pambansang kaban ng bayan.
Sinabi rin sa reklamo na bahagi umano si Pangandaman ng “concerted and coordinated governmental action” sa implementasyon ng fund transfer mechanism na ngayon ay kinukuwestiyon.
Samantala, wala pang opisyal na pahayag si Pangandaman hinggil sa mga alegasyon.
Noong Disyembre ng nakaraang taon, ipinag-utos ng Korte Suprema sa pamahalaan na ibalik ang P60 billion sobrang pondo ng PhilHealth sa pamamagitan ng 2026 General Appropriations Act (GAA).
Sa desisyon ng Supreme Court En Banc, idineklarang unconstitutional at walang bisa ang ilang probisyon ng 2024 GAA at ang kaugnay na Finance Circular na naging basehan ng paglilipat ng pondo, dahil umano sa grave abuse of discretion.
Nauna nang nagsampa si Leachon ng reklamo laban sa iba pang opisyal ng gobyerno, kabilang sina dating Finance Secretary Ralph Recto, dating Budget Secretary Rolando Toledo, at ilang opisyal ng PhilHealth at PDIC kaugnay ng parehong isyu.
Batay sa record, umabot sa P89.9 billion ang target na ilipat mula sa PhilHealth funds, ngunit P60 billion lamang ang aktuwal na nailipat bago pigilan ng Korte Suprema.
















