-- Advertisements --

CAUAYAN CITY – Pormal ng nanumpa bilang bagong Philippine Ambassador to Switzerland si dating Cauayan City Mayor Bernard Dy.

Nanumpa siya sa harap ni Secretary Enrique Manalo sa Department of Foreign Affairs (DFA).

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ambassador Bernard Dy, sinabi niya na ini-appoint siya ni Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos sa nasabing posisyon at maituturing niya itong isang malaking hamon.

Matapos ang kanyang panunumpa ay may mga isinasagawang briefing na maaaring matagalan dahil sa letter of acceptance para sa cross border o cross country bago siya makapag-assume bilang ambassador.

Habang hinihintay ito ay aayusin na nila ang mga administrative work at iba pang mga papeles.

Aniya, kaya Switzerland ang napili ng pangulo ay dahil maliit lamang itong bansa at bilang isang political appointee ay kailangan muna niyang magamay ang trabaho dahil ito ang kanyang unang foreign post at wala pa siyang experience.

Malaking tulong ang kanyang pamilya sa kanyang pagkaka-appoint bilang ambassador maging ang kanyang mga kakilala sa kongreso na agad nagpahayag ng pag-apruba nang siya ay mapili ni Pangulong Marcos bilang ambassador to Switzerland.

Bagamat malaking hamon ito para sa kanya ay pipilitin niyang isakatuparan ang kanyang bagong trabaho at magagamit niya rito ang kanyang mga naging experience sa siyam na taon na pagseserbisyo sa Cauayan City.