-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO-Sangkaterbang mga armas at pampasabog ang nabawi ng mga otoridad sa isang wanted person sa lalawigan ng Maguindanao.

Nakilala ang suspek na si Usop Sanggacala Aron,dating Brgy Kapitan ng Barangay Rumirimbang Barira Maguindanao.

Ayon kay Criminal Investigation and Detection Group-Bangsamoro Autonomous Region (CIDG-BAR) Chief,Lieutenant Colonel Bernard Lao na naglunsad sila ng law enforcement operation katuwang ang mga tauhan ng PNP-Special Action Force at Marine Battalion Landing Team (MBLT-5) sa bahay ng suspek sa Barangay Orandang Parang Maguindanao alinsunod sa search warrant na inisyu ng korte sa paglabag sa Republic Act 10591.

Nakuha sa tahanan ni Aron ang limang M16 armalite rifles, isang M16 na may naka-kabit na grenade launcher para sa 40 millimeter, isang M14 rifle ,isang .380 na pistola,mga bala,magasin at pampasabog.

Sinabi ni Col Lao na may koneksyon diumano si Aron sa mga criminal groups sa Barira at mga kalapit na bayan sa unang distrito ng Maguindanao.

Tumakbo rin itong Bise-Alkalde sa bayan ng Barira Maguindanao sa nakaraang eleksyon ngunit natalo.

Sa ngayon ay nakapiit na ang suspek sa costudial facility ng CIDG-BAR sa Cotabato City at sasampahan ng kaukulang kaso.