Itinalaga ni Armed Forces of th Philippines chief of staff Gen. Cirilito Sobejana si dating Philippine Army chief Lt. Gen. Jose Faustino Jr., bilang commander ng bagong tatag na Joint Task Force (JTF) Mindanao.
Ang JTF Mindanao ay binubuo ng pinagsamang puwersa ng Eastern Mindanao Command (EastMinCom) at Western Mindanao Command (WesMinCom).
Ayon kay Gen. Sobejana, ang pagtatag ng JTF Mindanao ay resulta ng mga direktiba na binigay ni Pangulong Rodrigo Duterte sa AFP sa Command Conference sa Cotabato City noong Mayo 8.
Magiging katuwang ang JTF Mindanao ng mga local government unit at Joint Normalization Committee para matiyak ang tagumpay ng Bangsamoro Transition Authority partikular sa normalization process ng mga dating mandirigma ng Moro Islamic Liberation Front.
Tutulong din ito sa maayos na pagpapatupad ng Final Peace Agreement at pagpalit ng Bangsamoro Autonomous Region sa ARRMM alinsunod sa Bangsamoro Organic Law.
Sinabi ni Sobejana na sa pagtatatag ng JTF Mindanao, inaasahan niyang mas mapapalakas ang kampanya ng AFP laban sa iba’t ibang threat groups sa Mindanao.