-- Advertisements --

Hinimok ngayon ni dating health secretary Janet Garin ang pamahalaan na i-prioritize o unahin muna ang pag-test sa mga pasyenteng mayroong malalang sintomas ng Coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Ayon sa dating kalihim, dapat daw ganito ang gawing polisiya ng pamahalaan dahil na rin sa limitadong testing kits at medical capacity ng bansa.

Paliwanag ni Garin, mas malala daw kasi ang kahihinatnan kapag hindi kaagad sasailalim sa testing ang mga may sintomas dahil posibleng makahawa ang mga ito kung positibo sila sa naturang virus.

Kung maaga raw ang confirmation ng mga severe cases ay makakatulong ito sa bansa para hindi na kumalat ang COVID-19 at maisasagawa rin ang maagang contact tracing sa mga nakasalamuha ng magpo-positibo sa sakit.

Una rito, sinabi ng World Health Organization na 80 percent ng mga positibo sa virus ay nakakaranas lamang ng “mild illness” at agad namang nakaka-rekober.

Nasa 14 percent naman ang nakakaranas ng severe illness habang limang pursiyento lamang ang critically ill o may malubhang sakit.