Nanawagan si Vice President Leni Robredo sa pamahalaan na pag-aralan ang pansamantalang suspensyon ng biyahe para sa mga uuwing locally stranded individuals (LSIs).
Apela ito ng bise presidente, kasunod ng ulat hinggil sa ilang lugar sa bansa na nakapagtala ng mga bagong kaso ng sakit dahil sa pagdating ng returning residents.
“Kausap ko ‘yung city officials kahapon, ang sabi nila mabuti pa ‘yung maramihan na dumadating na nakikipag-coordinate sa kanila kasi ‘yug protocols na nasusunod,” ani VP Leni tungkol sa dalawang LSI ng Naga City na nag-positibo sa sakit.
“Ang problema sa private na sasakyan kahit may protocols ang LGUs, wala silang way of monitoring kung hindi sa kanila magre-register na dumating,” dagdag ng pangalawang pangulo.
Una nang sinuspinde ng gobyerno ang biyahe ng LSIs sa Central at Eastern Visayas dahil sa biglang taas ng mga bagong kaso ng sakit sa dalawang rehiyon.
Tugon din daw ito ng Palasyo sa apela ng ilang local government units na nangangamba sa biglang sulpot muli ng COVID-19 cases.
Kung maaalala, unang kumontra sa programa si Ormoc City Mayor Richard Gomez dahil sa hindi umano organisadong koordinasyon ng national government agencies sa kanilang mga LGU.










