-- Advertisements --

Umani ng atensyon online ang banggaan sa social media ng aktres at businesswoman na si Dani Barretto at komedyanteng si Dennis Padilla kaugnay ng naging guest appearance ni Dani sa podcast na “Almost Honest” ni Kylie Verzosa.

Sa naturang podcast, tinalakay ni Dani ang mga karanasan nila noong bata pa sila, kabilang ang umano’y sigawan at tensyon sa kanilang bahay noon, bagama’t hindi niya pinangalanan kung sino ang tinutukoy niya dito.

Matapos i-post ang clip ng interview sa social media, tila tinamaan si Dennis Padilla at sinabing nais niyang “sagutin point by point” ang mga pahayag ni Dani.

“Dani… Abangan mo sagot ko… Point by point… Mula nung nasa tyan ka pa ng nanay mo… I felt abused… I felt liberated nung nakawala ako sa relationship na sinasabi mo.. Huwag masyadong mayabang.. Wala kang alam… Half lang alam mo.. [angry face emojis],” post ni Dennis.

Burado na ang dalawang komento ni Dennis, pero mabilis itong na-screenshot ng ilang netizens at ibinahagi sa social media.

Ayon kay Dani, mukhang nakalimutan ni Dennis na magkasama silang nanirahan noon sa iisang bahay.

Malinaw pa raw sa alaala niyang nagigising na lang sila tuwing umaga dahil sa sigaw umano ni Dennis.

Kung hindi raw ang ina ang sinisigawan nito ay ang mga kasambahay nila.

Buwelta pa ni Dani: “@dennisastig i think you’re forgetting we all lived in the same house. That we woke up to your screams almost every morning.

“Kung hindi si mom sinisigawan mo, one of the help.”

“Enough is enough,” dagdag ni Dani.

Dagdag pa niya, may mga pagkakataon umano na tumatawag si Dennis sa kanyang mga anak sa hindi tamang oras at nauuwi pa raw ito sa matinding pagtatalo.

Umani ng magkakahalong reaksyon mula sa netizens ang palitan ng pahayag ng dalawa, habang iniulat na binura na ni Dani ang kanyang komento.

Sa ngayon, wala pang opisyal na tugon si Dennis Padilla sa mga bagong pahayag ni Dani.