Iniulat ng Philippine Coast Guard na mayroong dalawang foreign vessels ang aksidenteng nagkabanggaan sa bahagi ng Ilocos Sur.
Batay sa impormasyong nakalap ng PCG, nangyari ang naturang insidente sa layong 77 nautical miles mula sa katubigang sakop ng Candon, Ilocos Sur bansang alas-9 ng gabi nitong Disyembre 12, 2023.
Ito ay kinabibilangan ng isang Taiwanese fishing vessel na Sheng Feng No. 12 at isang suspected Bangladeshi-flagged bulk carrier.
Ayon sa PCG, ang suspected Bangladeshi-flagged bulk carrier ay posibleng nagmula sa Changshu, China at patungo sana sa Muara Berau, Indonesia nang mangyari ang naturang insidente.
Kasunod ng nangyaring banggaan ay agad na nakipag-ugnayan si Taiwan Coast Guard Attache Commander Arthur Yang sa PCG Command Center na agad namang nagdeploy ng mga tauhan sakay ng BRP Malapascua para sa agarang pagtugon sa Taiwanese fishing vessel.
Samantala, sa ngayon ay patuloy pa rin ang ginagawang koordinasyon ng PCG at Taiwan Coast Guard sa kumpanyang nagmamay-ari ng Sheng Feng No. 12 para naman rekomendasyong madala sa pinakamalapit na pantalan sa Northern Luzon ang naturang vessel para masuri at alamin ang kondisyon nito, gayundin ang pagtiyak sa magiging kaligtasan ng limang Indonesian at dalawang Taiwanese crew members na lulan nito