-- Advertisements --

CEBU CITY – Idudulog ni Cebu Provincial Gov. Gwendolyn Garcia sa mga eksperto ang mga medical interventions na ibinigay ng mga doktor kina dating Dumanjug Mayor Nelson Garcia at Barili Mayor Marlon Garcia.

Ito’y kasabay ng paggiit ng gobernadora na hindi COVID (Coronavirus Disease) ang dahilan ng pagkamatay ng kanyang mga kapatid lalo na at nakarekober ang mga ito sa nasabing sakit.

Batay sa kanilang death certificate, namatay si Mayor Nelson dahil sa “septic shock” na dala ng pneumonia, habang cardiac arrest naman ang ikinamatay ni Mayor Marlon.

Ayon kay Garcia , gusto nilang linawin mula sa mga eksperto ang mga naging komplikasyon sa kanyang dalawang kapatid matapos tamaan ng deadly virus.

Emosyonal namang binunyag ng gobernadora na umaabot sa milyun-milyon ang naging medical bills nito matapos isinugod ang magkapatid sa pagamutan.

Magkakaroon sila aniya ng mga karagdagang hakbang kapag nasagot na ng mga eksperto ang kanilang mga tanong.

Kung maaalala, pumanaw si Mayor Nelson noong Setyembre 1 at sinundan ito ni Mayor Marlon makalipas ang limang araw.