CAGAYAN DE ORO CITY-Hindi matanggap ng isang bading ang pagkawala ng kanyang mamahaling cellphone na naging dahilan umano ng kanyang pagpapatiwakal dito sa lungsod.
Kinilala ng pulisiya ang biktima na si Jeffrey Fernandez, 41, at residente ng Zone-6, Reyes Village, Brgy Bugo, Cagayan de Oro.
Nagpakamatay ang biktima sa pamamagitan ng tali ng sapatos na inilagay sa kanyang leeg, kung saan nakita na lamang itong wala nang buhay sa loob ng kanyang kwarto.
Sinabi sa Bombo Radyo ni Police Capt Mario Mantala, hepe ng Puerto Police Station na nakaramdam ng matinding depression ang biktima dahil sa pagkawala ng kanyang cellphone kung kaya’t nagawa umano nito ang pagkitil ng sariling buhay.
Napag-alaman na matagal na panahong nag-ipon si Fernandez para lamang mabili ang kanyang pangarap na cellphone na nagkakahalaga umano ng mahigit P17,000.
Bagamat hindi idenetalye ni Mantala ang dahilan ng pagkawala ng cellphone ng biktima, wala naman silang nakitang foul play sa pagkamatay nito.