Nakatakda na muli ang panibagong paggalaw sa presyo ng mga produktong petrolyo sa susunod na linggo.
Batay sa inilabas na abiso ng Department of Energy (DOE), inaasahang aabot sa P0.25 to P0.50 ang itataas sa kada litrong presyo ng gasolina.
Rollback naman ang asahan sa diesel at kerosene, kung saan tinatayang P1.20 and P1.40 ang tapyas sa kada litro ng diesel habang P1 to P1.20 ang tatapyasin sa kada litro ng kerosene.
Ayon kay Oil Industry Management Bureau assistant director Rodela Romero, may ibat ibang salik na naka-apekto sa presyuhan ng petrolyo ngayong linggo.
Kinabibilangan ito ng paggalaw ng halaga ng dolyar, kasama na ang nagpapatuloy na kaguluhan sa Middle East
Una nang nagkaroon ng paggalaw sa presyo ng mga produktong petrolyo sa kasalukuyang linggo kung saan umabot sa P0.95 kada litro ang itinaas ng gasolina, P1.30 kada litro para sa diesel, habang P1.25 ang itinaas ng kada litro ng kerosene.
Mula noong Enero, 2023 hanggang sa kasalukuyan, naitala na ng DOE ang kabuuang pagtaas sa presyo ng mga produktong petrolyo ng hanggang sa P13.75 sa kada litro ng gasolina, P11.70 sa kada litro ng diesel, habang P6.24 sa kada litro ng kerosene.