KORONADAL CITY – Kaagad bumuo ng Avian Influenza (AI) Task Force ang lokal na pamahalaan ng Tacurong City sa Sultan Kudarat matapos na maitala ang pagpositibo ng daan-daang mga itik sa dalawang barangay.
Ang pagbuo sa nasabing Task Force ay iniutos ni Tacurong Mayor Lino Montilla upang mapigilan ang pagkalat pa ng bird flu sa iba pang barangay sa lungsod at mga karatig munisipyo sa Sultan Kudarat.
Kasama sa AI Task Force na pinamumunuan ng alkalde ang kanilang city veterinarian, Philippine National Police, Task Force Talakudong ng Armed Forces of the Philipipnes, Association of Barangay Captains, kinatawan mula sa Department of Education, poultry sector, at iba pang stakeholders.
Sa kanyang Executive Order, sinabi ni Montilla na and Rapid Action Team ng AI ay mangunguna sa Avian Influenza Protection Program kasama na ang paglilibing sa mga itik sa poultry na magpositibo sa bird flu.
Habang ang surveillance team ay magsasagawa ng risk-based surveillance sa mga live bird market lalo na ang mga galing sa ibang lugar.
Sa ngayon ay patuloy ang pag-imbestiga sa bird flu cases, pag-survey sa mga apektadong poultry farms, at pagkuha ng blood samples na ipadadala sa Bureau of Animal Industry laboratory.
Naglagay naman ang lungsod ng quarantine checkpoints at hindi pinapayagan ang pagpasok ng mga poultry products sa ibang lugar.