-- Advertisements --

Nilinaw ng Department of Justice (DOJ) na wala itong natanggap na opisyal na recantation o pagbawi ng testimoniya ni dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Bulacan District Engineer Henry Alcantara mula sa kaniyang mga naging rebelasyon sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee noong Setyembre 2025.

Ayon kay Justice Spokesperson Atty. Polo Martinez, wala silang natanggap na official recantation, ito man ay sa pamamagitan ng verbal o written.

Ginawa ng DOJ official ang paglilinaw nang matanong hinggil sa ulat na naghain umano si Alcantara ng kaniyang counter-affidavit may kinalaman sa mga reklamong inihain ng National Bureau of Investigation laban sa kaniya at iba pang DPWH officials, kabilang sina Brice Hernandez at Jaypee Mendoza, kaugnay sa umano’y kickback schemes sa maanomaliyang flood control project sa Bulacan.

Nakasaad umano sa counter-affidavit ni Alcantara na walang ebidensiya na pinaburan niya ang sinumang kontraktor o indibidwal at wala umanong testigo na nagbigay siya ng iregular na bayad kayat ikinatwiran niyang walang sapat na ebidensiya para i-convict siya.

Sinabi rin umano ni Alcantara na ang kaniyang mga subordinate ang nagsagawa at nagtago ng mga aksiyong sila mismo ang gumawa.

Kaung matatandaan, nauna ng ibinunyag ni Alcantara sa Senate hearing na sina Hernandez at Mendoza ang nasa likod umano ng kickback scheme.

Inamin din ni Alcantara na kasama niya si DPWH USec. Roberto Bernardo sa pagbibigay ng komisyon mula sa flood control projects sa kampo nina Senator Jinggoy Estrada, Sen. Joel Villanueva, dating Senator Bong Revilla, Jr., dating Ako Bicol Rep. Elizaldy Co, at dating Caloocan Representative Mitch Cajayon, bagay na nauna na ring pinabulaanan ng mga nabanggit na mambabatas.