CAUAYAN CITY- Sinira ng Department of Trade and Industry (DTI) Isabela ang mga nakumpiskang hindi sertipikadong produkto sa ibat ibang establisimiento sa lalawigan.
Isinagawa ang pagsira sa mga nasabing produkto sa Brgy Alibago sa pangunguna ng DTI Isabela pangunahin na ang kanilang enforcement team.
Sinira ang ibat ibang produkto tulad ng rice cooker, lighter, gas stove, motorcycle rubber tire tubes at iba pa na tinatayang nagkakahalaga ng Php368,160.00.
Sa naging pagpapahayag ni Ginoong Elmer Agorto, ang Consumer Protection Division Chief ng DTI Isabela, sinabi niya na lumabag sa RA 7394 o Consumer Act of the Philippines ang nasabing mga produkto kaya nakumpiska.
Aniya hindi dumaan sa tamang proseso ang mga ito at walang Philippine Safety Quality Mark.
Ayon kay Ginoong Agorto pahirapan ang pagtukoy sa mga hindi sertipikadong produkto dahil hindi malaman kung saan nanggagaling ang mga ito at kulang din sila sa manpower na magmomonitor sa mga ito.
Samantala sinabi naman ni Provincial Director Maria Sophia Narag ng DTI Isabela na ang isinagawang pagsira sa mga nasabing produkto ay bilang pagprotekta sa mga consumer laban sa mga hindi sertipikadong produkto na maaaring magdulot ng kapahamakan.
Tiniyak niya na mas pinapalakas pa nila ang kanilang kampanya katuwang ang iba pang ahensya ng pamahalaan upang masawata ang pagkalat ng mga ganitong produkto at maiiwas ang mga consumer na makabili.
Dapat ay responsable rin ang mga consumer sa pagbili ng produkto at ipabatid sa kanilang tanggapan kapag nakamonitor ng mga establisyemento o indibidwal na nagbebenta ng uncertified products.