Tiniyak ni Department of Agriculture (DA) Sec. Francisco Tiu Laurel Jr., ang agarang pagtugon sa paglobo ng food inflation sa 6.1%.
Kung babalikan ang naunang ulat ng Philippine Statistices Authority (PSA), lumalabas na bumilis sa 6.1% ang food inflation noong Abril kung saan nakikitang naka-apekto rito ang pagtaas ng presyo ng bigas, mais, isda, at gulay.
Paliwanag ng kalihim, kahit sapat ang suplay ng pagkain sa bansa, ang mataas na presyo ng produktong petrolyo ang nagtulak sa pagtaas ng gastos sa transportasyon at logistics, na nakaapekto sa presyo ng mga bilihin.
Dahil dito, muling binuhay ng DA ang food lanes kung saan tinanggal ang toll fees para sa mga agri truckers at binawasan din ang port charges.
Pinapalawakan din ng DA chief ang market monitoring para maiwasan ang labis na patong sa presyo, habang patuloy na isinusulong ang mga programang tulad ng Benteng Bigas at Rice-for-All para sa mas abot-kayang bigas.
Nakahanda rin ang PH government na magpatupad ng price cap na P50 kada kilo sa imported rice kung magpapatuloy ang pagtaas ng presyo.
Ayon sa kalihim, ginagawa ng DA ang lahat ng paraan upang mapababa at mapabagal ang inflation sa pagkain, kasabay ng pagtulong sa mga magsasaka na pataasin ang kanilang produksyon sa palay, mais, high value crops, at iba pang agri products.
















