
Tiniyak ni Agriculture Undersecretary for rice industry development Leocadio Sebastian na walang mangyayaring fertilizer scam sa implementasyon ng kontrobersyal na Memorandum Order No. 32 na nagtatakda sa distribusyon at paggamit ng biofertilizers na layong mapataas ang productivity ng mga magsasaka at rice production.
Giit ng opisyal na kung balak aniyang gumawa ng scam, hindi na mag-iisyu pa ng guidelines sa halip ay kakausapin na lamang ang mga lalahok sa bidding, iimpluwensiyahan ang mga ito at maglalagay ng specifications subalit binigyang diin ni Sebastian na ang MO ay transparent at patas.
Ipinaliwanag din ng DA official ang mataas na presyo para sa biofertilizer.
Aniya, binalangkas ang naturang MO sa paggamit ng biofertilizer noon pang Abril kung saan mataas pa ang retail prices ng urea.
Kapag bumaba aniya ang presyo sa P1,100 kada bag ng urea ang gagawin aniya ay pagkukumparahin ang mga presyo at dadaan ito sa procurement process.
Ginawa nito ang naturang paglilinaw kasunod na rin ng babala ng Samahang Industriya ng Agrikultura president Rosendo So sa panibagong fertilizer scam sa pagpapatupad ng naturang MO.
Nanindigan din si So na depektibo umano ang MO dahil ang halaga ng urea sa kasalukuyan ay nasa P1,100 kada bag kumpara sa P2,000 kada bag para sa biofertilizer.










