Tinalakay ng Department of Agriculture (DA) ang mga alternatibong paraan para sa pagpapaganda pa ng ani ng palay para resolbahin ang mga epekto ng El Nino sa produksiyon ng bigas sa bansa sa gitna ng nakaambang epekto ng El Niño phenomenon.
Sa isinagawang cluster meetings para sa Masagana Rice Industry Development Program, tinalakay ang pag-explore at pagplantsa sa mga interbensyon upang matugunan ang matagalang dry spell na inaasahang magtatagal hanggang sa ikalawang kwarter ng 2024.
Kabilang sa mga estratehiyang natalakay ay ang alternatibong teknolohiya na makakapagpababa ng halaga ng tubig na kailangan para sa rice cultivation.
Napag-usapan din ang mga interbensiyon gaya ng seeds, fertilizer discount vouchers at soil amelioration at bio-control agents na magagamit sa panahon ng tag-init.
Ikinonsidera din sa pagpupulong ang pag-explore pa sa mas magandang klase ng mga binhi para malabanan ang
epekto ng tumataas na temperatura sa aning palay.
Ang isinagawang cluster meetings ay awtorisado ni Agriculture Sec. Francisco Laure jr bilang bahagi ng Special Order 1516 para tipunin ang mga grupo mula sa Luzon, Visayas at Mindanao sa hangaring ma-maximize ang kakkayahan at productivity ng pamahalaan sa panahon ng tagtuyot mula 2023 hanggang 2024.
Matatandaan na nagsimula ang dry spell sa bigas noong Disyembre 2023 at magtatagal pa hanggang sa Mayo 2024. (With reports from Bombo Everly Rico)