-- Advertisements --

Nilinaw ng Department of Agriculture (DA) na walang mga kaso ng foot and mouth disease sa mga hayop sa bansa.

Sa kabila nito, nakahanda naman ang DA na tugunan ito sakaling may mapaulat na kaso.

Ayon kay Agriculture ASec. Dante Palabrica, in-activate na ng ahensiya ang isang system of reporting upang masuri ang pagpasok ng naturang sakit sa katimugang parte ng ating bansa.

Bumuo na rin ang opisyal ng technical working group para imonitor ang naturang sakit.

Ibinunyag naman ng DA official na inaasahang dumating sa bansa ang mga bakuna laban sa foot and mouth disease sa Hunyo ngayong taon.

Sa ngayon mayroong kalahating milyong doses ng bakuna ang nakaimbak sa freezer ng DA.

Pinawi din ng opisyal ang pangamba ng publiko na walang dapat na ikabahala sa naturang sakit dahil ito ay madali umanong makontrol.

Sa kasulukayn, ang mga bansa na nakapagtala na ng kaso ng foot and mouth diseases ay sa India, Vietnam, Thailand at Indonesia.

Sa kabatiran ng publiko, ang foot and mouth diseases (FMD) ay isang malubha at nakakahawang sakit na dumadapo sa mga baboy, baka, tupa at kambing.