-- Advertisements --
DA Usec. Ariel Cayanan

Sa kabila ng panawagan ng publiko, nagmatigas ang Department of Agriculture (DA) hinggil sa pagsasapubliko ng pangalan ng brand ng processed meat products na pinaghihinalaang positibo sa African Swine fever.

Ayon kay DA Usec. Ariel Cayanan, maituturing pang premature ang kaso dahil kailangan pang isailalim ang mga produkto na sinasabing kontaminado ng sakit.

Ipinaliwanag ng opisyal na posibleng cross-contamination ang nangyari dahil nagkahalo lang sa container na pinaglagyan ang branded at unbranded home-made pork products na nakumpiska sa Calapan Port nitong buwan.

“Dahil inilagay po sila sa isa o dalawang container na magkahalo-halo, I think it will be prudent and very, very what you call unfair kung magpapangalan tayo ng isang bagay na baka po nagkaroon ng cross contamination,” ani Cayanan sa isang press conference.

“Yung iba, homemade. Pag homemade, maaaring wala rin pong label o brand. Whether may brand po o hindi, it’s still very early and premature right now to conclude na yun nga po ang resulta,” dagdag pa nito.

Bukod sa hindi pa pagsasapubliko ng brand, iginiit din ng ahensya na hindi pa nila tatanggalin sa merkado ang brand ng processed meat product na idinadawit sa insidente.

Kanya-kanyang depensa naman ang mga kompanya para linawin na ligtas kainin ang kanilang mga produkto, gaya ng San Miguel Foods.

Hindi pa naman naglalabas ng statement ang Mekeni Food Corporation na sinasabing manufacturer ng nakumpiskang mga produkto sa pantalan.

“The pork ingredients in Purefoods products come from farms that are strictly supervised by San Miguel Foods and observe the highest level of biosecurity measures while the imported materials come from ASF-free countries,” ayon sa kompanya.

Una ng sinabi ng DA na hindi mapanganibg sa kalusugan ng tao ang makakain ng karneng kontaminado ng ASF.

Pero hamon ng grupong Laban Konsyumer, sundin ng DA ang nilalaman ng Food Safety Act kung saan nakasaad ang karapatan ng publiko na malaman kung anong mga produkto ang kontaminado ng kemikal o nakababahalang sakit.

“Let the consumer exercise his right to choose. Kung sinabi na ng gobyerno ito yung mga brand eh gusto pa rin niyang bilhin, sa kanyang choice yon,” ayon kay Atty. Vic Dimagiba.