-- Advertisements --
Department of Agriculture 1 1

Kumpiyansa ang Department of Agriculture na magiging sapat ang suplay ng bigas sa bansa kahit ngayong lean months o Hulyo hanggang Setyembre.

Sinabi ni Department of Agriculture Undersecretary Leocadio Sebastian na kung magkakaroon ng magandang buffer na humigit-kumulang 60 araw kasama ang produksyon sa panahong iyon at pagkatapos ay mga import arrival, tiwala siya na magkakaroon ng magandang supply para sa lean months.

Matatandaan na nagbabala ang mga grupong pang-agrikultura sa nagbabantang krisis sa bigas dahil sa El Niño phenomenon ngayong taon, na inaasahang magsisimula sa Hunyo.

Ayon kay Sebastian, ang ahensya ay nakapagtala na sa ngayon ng 1.48 million metric tons (MT) ng imported rice at carryover stock mula noong nakaraang taon na nasa humigit-kumulang 1.8 million metric tons. Inaasahan din ng ahensya ang 5.7 milyong metric tons sa kabuuang lokal na ani mula Enero hanggang Hunyo.

Nilinaw pa ni Sebastian na mayroon malaking inaasahang suplay para sa unang anim na buwan, at inaasahan magkakaroon ng hindi bababa sa natitirang stock sa katapusan ng Hunyo na magiging sapat sa loob ng halos dalawang buwan.

Una ng sinabi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na isa ring kalihim ng agrikultura, noong Abril na wala siyang nakikitang krisis sa bigas sa bansa, ngunit dapat palaging manatiling bukas ang opsyon sa pag-angkat.

Isa sa mga ipinangako ng Pangulo sa kampanya ay ang pagbaba sa presyo ng kada kilo ng bigas sa ₱20. Sinabi ni Marcos noong Marso na umaasa ang gobyerno na makamit ito sa lalong madaling panahon sa kabila ng mga hadlang, tulad ng masamang panahon.

Ang pinakahuling datos ng gobyerno ay nagpakita na ang presyo ng lokal na commercial rice sa mga pamilihan ng Metro Manila ay naglalaro mula ₱34 kada kilo hanggang ₱60 kada kilo depende sa variant ng lokal na bigas, at ₱40 hanggang ₱58 para sa imported na bigas.