Tinatapos na ng Department of Agriculture ang isang panukala na papataasin ang badyet ng kagawaran para sa 2025 upang ituloy ang layunin nitong gawing moderno ang sektor ng sakahan at pangisdaan at makagawa ng mas maraming pagkain, matiyak ang food security, at mapataas ang kita ng mga magsasaka at mangingisda.
Sa isang consultative meeting kasama ang private agricultural groups, nagprisinta ang DA ng panukala na magdodoble ng higit sa expenditure plan para sa susunod na taon sa P513.81 bilyon mula sa kasalukuyang badyet na P208.58 bilyon.
Muling ipinaliwanag ng agri chief ang matinding kawalan ng investment sa agrikultura sa halos apat na dekada, na humantong sa pagbaba ng kontribusyon ng agrikultura sa gross domestic product. Dahil dito, nananatiling mahirap ang milyun-milyong Pilipinong umaasa sa sektor.
Nauna nang tinantiya ni Sec.Tiu Laurel na sa mga susunod na taon, P93 bilyon ang kailangan para sa postharvest facilities para mabawasan ang pag-aaksaya ng palay at mais habang humigit-kumulang P1.2 trilyon ang kakailanganin para patubigan ang karagdagang 1.2 milyong ektarya upang mapalakas ang produksyon ng bigas at mabawasan ang pag-aangkat.
Rice subsector pa rin ang may pinakamalaking bahagi sa budget proposal, na may alokasyon na P294.21 bilyon, o 57% ng total outlay para sa susunod na taon. Susunod ang fisheries sub-sector na makakakuha ng P50.6 billion habang ang locally-funded projects ay paglalaanan ng P45.48 billion.
Ang iba pang mga subsector at ang kanilang mga badyet ay mga cross-cutting programs P34.5 bilyon, high value crops P32 bilyon, sa livestock P28.56 bilyon, sa foreign-assisted P13.77 bilyon sa mais P11.3 bilyon at credit program P3.38 bilyon.