Kinumpirma ni Department of Agriculture (DA) Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. na inaasahang makakabalik sa bansa ang delegasyon ng Pilipinas bandang alas-5:00 ng umaga sa araw ng Sabado.
Ayon sa kalihim, tinitignan na ng ahensiya ang ilang mga opsiyon para sa paglikas ng grupo nang ligtas kabilang ang posibleng exit routes sa pamamagitan ng Egypt.
Ibinahagi din ng DA chief na nakarating na sa Jordan nitong gabi ng Biyernes ang grupo ng mga Pilipinong opisyal na na-stranded sa Israel.
Umaasa din ang kalihim para sa ligtas na biyahe ng grupo pabalik ng PH, na nauna ng nagtungo sa Israel para sa official mission nang muling sumiklab ang tensiyon sa pagitan ng Israel at Iran.
Nauna ng sinabi ng PH Embassy sa Tel Aviv na mayroong 21 Pilipinong opisyal sa Israel. Nasa 17 dito ay mga alkalde at local government representatives at may apat na dairy industry specialists ng DA.
Samantala, pinaplantsa naman na ang repatriation ng nasa 150 iba pang mga Pilipino sa Israel na nagpahayag ng pagnanais na umuwi sa bansa. Sa ngayon, inaayos na aniya ang kanilang mga dokumento.
Tiniyak naman ni OWWA Administrator Patricia Caunan na makakatanggap ang mga Pilipino ng tulong pinansiyal at livelihood training mula sa gobyerno sa kanilang pagbabalik bansa.