-- Advertisements --
image 268

Nagbigay ang Embahada ng Czech Republic sa Pilipinas ng P1 million pondo sa isang non-government entity para sa mga proyekto sa press freedom bilang pag-alaala sa buhay ng pinaslang na mamamahayag na si Percy Lapid.

Sa isang statement, sinabi ng Center for People’s Media na ang naturang proyekto na tinawag na Keeping the Flame of Freedom Alive ay mayroong tatlong forums na isasagawa sa Dumaguete city sa Negros Oriental, Cagayan de Oro city at sa Maynila sa oktubre 3 sa mismong unang death anniversary ni Lapid.

Ayon kay Czech Embassy in Manila Chargé d’affaires, a.i., Mr. Dalibor Mička ang pangunahing adhikain ng proyektong ito ay suportahan ang rule of law at karapatang pantao gayundin maging daan sa pagtalima sa freedom of speech at freedom of media sa Pilipinas.

Sinabi naman ni Veronica Uy, president ng Center for People’s Media na kabilang sa proyekto ang archiving ng broadcast episodes ng buhay ni Lapid sa isang website.

Kung matatandaan, binaril-patay ng dalawang suspek lulan ng motorsiklo ang mamamahayag na si Lapid sa Las Pinas city noong Oktubre 2022 habang pauwi na sana ito.

Si Lapid ang ikalawang mamamahayag sa bansa na napatay sa ilalim ng Marcos admin.