BAGUIO CITY – Nagpapatuloy pa ang physical examination sa lahat ng mga plebo ng Philippine Military Academy (PMA).
Alinsunod ito sa utos ni Defense Secretary Delfin Lorenzana kasunod ng sinapit ni 4th Class Cadet Darwin Dormitorio na namatay noong September 18 dahil sa pagmaltrato, gayundin sa pagkaospital ng iba pang plebo dahil sa pinaniniwalaang parehong rason.
Una na nitong sinabi na mapaparusahan ang sinomang nag-inflict ng mga makikitang pasa sa mga plebo.
Samantala, sinabi ng newly-installed corps commandant na si B/Gen. Romeo Brawner Jr., na tututukan niya ang mental health ng mga kadete sa akademya.
Ayon kay Brawner, ang dahilan kung bakit may pagmaltrato ay dahil ipinaghihiganti lamang ng mga upperclassmen ang pagmaltrato sa kanila ng kanilang mga naging upperclassmen.
Aniya, ang “culture of violence” at “culture of silence” sa loob ng PMA ay papalitan niya ng “culture of peace” at “culture of understanding.”
Dagdag nito na babaguhin nila ang first class system kung saan papalakasin ang otoridad ng mga 1st class cadets para ang mga ito na ang magbabantay sa kanilang mga kasama.










