Naospital at isinailalim sa isolation ang isang crew member ng MV Hondius matapos magpositibo sa Andes strain ng hantavirus habang naka-quarantine sa Netherlands.
Ayon sa Dutch National Institute for Public Health and the Environment (RIVM), dinala sa ospital ang pasyente bilang pag-iingat upang maiwasan ang posibleng pagkalat ng virus.
“The Andes virus has been detected in one person who was in quarantine in the Netherlands. The patient has since been admitted to the hospital as a precaution and is in isolation,” pahayag ng RIVM.
Ang Andes strain ay isang uri ng hantavirus na maaaring maipasa mula tao sa tao sa pamamagitan ng malapitang kontak, hindi tulad ng karamihan sa hantavirus na karaniwang nakukuha mula sa mga daga o kanilang dumi at ihi.
Kaugnay ito ng naunang outbreak na naiulat sa cruise ship kung saan may ilang pasahero at crew members na nahawa at nasawi.
















