Sinita ng isang kongresista ang ilang mga credit card companies na nanggigipit sa kanilang mga customers na late o hindi nakapagbayad nang buo ng kanilang bill.
Ayon kay Ang Probinsyano party-list Rep. Ronnie Ong, may ilang cardholders na pinagbabantaang kasuhan ng kanilang collection agents dahil sa hindi nakapagbayad ng kanilang balanse.
May ilan din aniyang pinagbabantaan na i-freeze ang kanilang bank accounts o i-foreclose ang kanilang mga ari-arian.
Mali aniya para idaan ng mga bangko sa pananakot ang paniningil nila sa mga customers na may utang sa kanila, lalo na sa panahon ng pandemya, kung saan mahirap ang buhay.
Bukod dito, karamihan sa mga kaso nang late credit card payments ay dahil sa ipinatupad na grace periods sa ilalim ng Bayanihan to Heal as One Act (Bayanihan 1) at Bayanihan to Recover as One Act (Bayanihan 2).
“These banks are also affected by the pandemic and they need money, we know that. But what we are calling for is fairness instead of harrassment,” ani Ong.
“Just apply the law and provide the people accurate information on the amount of loan that is really due. They need explanations not threats,” dagdag pa nito.
Nakasaad sa Bayanihan 1 at implementing rules and regulation (IRR) nito na ang mga bangko ay obligadong magpatupad ng 30-day grace period, na walang incurring interest sa interest, penalties, fees o iba pang charges, sa lahat ng mga loans sa panahon ng enhanced community quarantine.
Sa ilalim naman ng Bayanihan 2, required ang mga banko na magpatupad ng 60-day grace period, na walang interest, penalties at iba pang charges para sa lahat ng loans na kinuha bago ang Disyembre 31, 2020.
Binigyan diin ni Ong na ang totoong issue ay hindi ang late na pagbabayad ng mga credit card holders ng kanilang kundi ang hindi pagsunod ng mga bangko sa isinasaad ng mga umiiral na batas.










