-- Advertisements --

Niratipikahan na sa Kamara ang reconciled version ng bicameral conference committee nang Corporate Recovery and Tax Incentives for Enterprises (CREATE) Act.

Ratipikasyon na lamang ng Senado sa naturang panukala ang hinihintay upang sa gayon ay maiakyat na ito sa opisina ni Pangulong Rodrigo Duterte para kanya itong pirmahan at maging ganap na batas.

Ayon kay House Ways and Means Committee chairman Joey Sarte Salceda, ang CREATE Act ang siyang “greatest economic reform” sa post-EDSA years, pangalawa sa itinutulak ngayon na economic amendments sa Saligang Batas.

Inaasahang aabot sa P12 trillion ang kikitain ng pamahalaan sa CREATE Act mula sa domestic at foreign investments, kung saan USD 90 billion ay galing sa foreign-direct investments (FDI).

Aabot naman sa 1.8 million trabaho ang inaasahang malilikha sa susunod na 10 taon, na inaasahang aabot pa ng 8.4 million kapag maatuloy ang mga itinutulak na amiyenda sa economic provisions ng Saligang Batas.

Mula sa kasalukuyang 30 percent ay gagawin na lamang 25 percent ang corporate income tax para sa mga malalaking kompanya, at 20 percent naman para sa mga small at medium corporations o iyong may net taxable income na P5 million pababa at total assets na P100 million pababa.

Nakapaloob din sa CREATE Act ang mga probisyon na magbibigay ng VAT exemptions sa iba’t ibang gamot, tulad na lamang ng sa cancer, mental illness, tuberculosis, HIV-AIDS, at kidney disease, habang nasa gitna ng COVID-19 pandemic.

Ipinapangako rin ng CREATE Act na gawing VAT at duty-free ang pag-aangkat ng COVID-19 vaccines, mga gamot na kailangan sa pandemya, PPEs at PPE components hanggang Disyembre 2023.

Bibigyan naman ng 17 years na incentives ang mga exporters at “critical” domestic enterprises, pati rin ng apat hanggang pitong taon na income tax holiday (ITH) at 10 taon na special corporate income tax (SCIT).

Base sa panukala, ang National Economic and Development Authority (NEDA) ang siyang tutukoy kung anong mga industriya ang maituturing na “critical.”

Aabot naman sa 12 taon ang incentives, na may apat hanggang pitong taon na ITH at limang taon na SCIT para sa mga negosyo na may investment capital na hindi lalagpas sa P500 million.

Layon din ng CREATE na pababain ang minimum corporate income tax mula 2% ay gagawin na lamang 1% mula Hulyo 1, 2021 hanggang Hunyo 30, 2021/

Maging ang mga proprietary educational institutions at hospitals ay magbebenepisyo rin sa CREATE dahil 1% na lamang ang corporate income tax rate na kanilang babayaran, mas mababa ng husto kumpara sa 10% sa kasalukuyan, mula Hulyo 1, 2021 hanggang Hunyo 30, 2023.


Sa kaparehong period, mula sa kasalukuyang 3% ay magiging 1% na lamang ng kanilang gross sales ang babayaran ngmga maliliit na negosyo, o iyong kumikita nang P3 million pababa kada taon.

Bibigyan naman ng mas marami pang incentives ang mga registered enterprises na mag-relocate o lilipat sa labas ng National Capital Region sa pamamagitan ng karagdagang 3 taon na ITH.

Layon din ng CREATE na padaliin ang pagbabayad nang buwis, bigyan ng exemption sa corporate tax ang PAG-IBIG Fund, at mas mataas na VAT exemption threshold para sa pagbebenta ng real property.

Kapag maging ganap nang batas ang CREATE Act, sinabi ni Salceda na mawawakasan na rin ang agam-agam ng mga negosyante sa pag-invest sa Pilipinas.

Pero paalala ni Salceda, performance-based ang pagbibigay ng mas malaking incentives sa mga kompanya.

Paraan na rin ito upang sa gayon ay makasabay ang Pilipinas sa pag-angat ng mga kalapit na bansa sa ASEAN Region.