KALIBO, Aklan – Walang Coronavirus Disease (COVID) ang isang suspected patient na una nang inilibing sa municipal cemetery sa Kalibo, Aklan.
Batay sa inilabas na resulta ng Dr. Rafael S. Tumbokon Memorial Hospital, Department of Pathology Molecular Laboratory, nagnegatibo sa Sars-Cov-2 o virus na nagdadala ng sakit na COVID, si Jonathan Policarpio, 44-anyos na residente ng Barangay New Buswang, Kalibo, Aklan.
Una rito, na-confine sa isang pribadong ospital sa bayan ng Kalibo si Policarpio ngunit kinalaunan ay inilipat ito sa Aklan provincial hospital matapos na makitaan ng sintomas ng COVID.
Gayunman, hindi nagtagal ay binawian na rin ito ng buhay habang naka-isolate sa nasabing pagamutan.
Hindi na-cremate ang kaniyang bangkay dahil lumagpas na umano ito sa 12 oras kung kaya’t napagpasyahan ng Kalibo municipal health office at lokal na pamahalaan na ilibing na lamang ito sa sementeryo na gamit ang backhoe, hindi naembalsamo at walang basbas ng simbahan.