-- Advertisements --

Personal nang ipinamahagi ni Willie Revillame ang tulong pinansyal para sa mga jeepney drivers na nawalan ng trabaho sa gitna ng Coronavirus Disease (COVID) pandemic sa bansa.

Willie LTFRB 1

Bandang alas-10:00 kaninang umaga, bumuhos ang iba’t ibang grupo ng mga jeepney drivers sa tanggapan ng LTFRB (Land Transportation Franchising and Regulatory Board) sa Quezon City.

Kasunod na nito ang pagdating ng 59-year-old TV host/actor na nakasuot ng face mask at face shield, bago dumiretso sa mesa sa harapan kung saan din inilapag ang mga bundle ng pera.

Nabatid na bahagyang nagkaproblema matapos na nabigyan lang ng ayudang cash ang mga nasa listahan ng LTFRB na grupo/asosasyon.

Kung maaalala, sa mismong Palace briefing kamakailan tiniyak ni Revillame ang P5 million cash na paghahati-hatian aniya ng mga apektadong tsuper ng jeepney.

“I am willing to give, sa aking naipon, ang balak ko po ay magbigay ngayon ng limang milyon sa mga jeepney drivers na talagang namamalimos na,” saad nito sa naturang press con na isinagawa sa kanyang pag-aaring tower sa Quezon City.

Una nang nilinaw ni Revillame na bukal sa kalooban at hindi lang “pagbubuhat ng sariling bangko” ang kanyang naging hakbang.