Binuksan na ulit ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang kanilang plenary session makalipas ang isang-buwan na holiday break.
Sinabi ni Speaker Lord Allan Velasco na prayoridad ng Kamara sa taong ito ang mga diskusyon patungkol sa COVID-19 vaccination program ng pamahalaan, bukod sa iba pang legislative measures na binanggit ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Bago magpatuloy ang session ng Kamara, kaninang umaga ay sinimulan ng committee on health ang kanilang pagdinig sa COVID-19 vaccination program ng pamahalaan, na dinaluhan ni Health Sec. Francisco Duque III at vaccine czar Carlito Galvez Jr.
Bukod sa COVID-19 vaccine, sinabi rin ni Velasco na bibilisan din ng Kamara ang pag-apruba sa 34 legislative priorities, kabilang na ang panukalang naglalayong bigyan ng kapangyarihan si Pangulong Duterte para suspendihin ang mga scheduled increases sa contribution rates ng PhilHealth at SSS sa tuwing mayroong “national emergencies.”
Sa 34 pending legislative priorityes, sinabi ni Velasco na isa ang aprubado na sa ikalawang pagbasa, habang ang nalalabi naman ay pawang nakabinbin pa sa committee level.
Kabilang sa mga priority bills na pending sa committee level ay ang proposed Magna Carta of Barangays; National Houseing Development Act; Department of Water Resources and Services; death penalty para sa kasong plunder, heinous crimes na may kaugnayan sa iligal na droga; rightsizing nang national government; at amiyenda sa economic provisions ng Saligang Batas.










