MANILA – Hindi pabor ang Department of Health (DOH) sa panukala na gawing mandatory o obligasyon sa mga Pilipino ang pagbabakuna laban sa COVID-19.
Pahayag ito ng ahensya kasunod ng panukalang batas na inihain sa Kamara na nagsusulong na amiyendahan ang COVID-19 Vaccination Program Act.
“This should purely be voluntary, it is the right of the person to decide on his own if he shall receive or will not receive the vaccine,” ani Health Usec. Maria Rosario Vergeire.
Ayon sa opisyal, bagamat nais ng pamahalaan na mabakunahan ang buong populasyon laban sa coronavirus, hindi naman pwedeng pilitin ang publiko na magpaturok ng bakuna.
Paliwanag ni Vergeire, nasa estado pa rin ng pag-aaral ang COVID-19 vaccines, at patuloy pang nangangalap ng mga ebidensya tungkol sa bisa nito.
“At this stage of the phase where these vaccines are still at the developmental stage, we cannot mandate people to accept these vaccines because it is not completed yet.”
“It will be their right to decide kung sila ay tatanggap o hindi tatanggap base sa pagkakapaliwanag natin sa kanila.”
Ganito rin ang posiyon ng Food and Drug Administration (FDA) sa panukala.
“May side effects pa ‘yan natin na hindi pa alam. Medyo tricky na ‘yung making vaccination compulsory, making a vaccine under EUA compulsory, that’s even a little more complicated for me. That’s a very difficult proposition,” ani FDA director general Eric Domingo sa interview ng ANC.
Sa ilalim ng House Bill No. 9252, na inihain ni Cavite Rep. Elpidio Barzaga Jr., hinihiling na gawing mandatory ang pagbabakuna laban sa COVID-19 ng mga Pilipino, maliban sa may medical condition o ibang sakit.