-- Advertisements --

BUTUAN CITY – Sa pamamagitan na lamang umano ng live stream ang misa sa buong Italya matapos suspendihin ng Vatican sa loob ng isang buwan.

Ang nasabing ban ay dahil na rin sa ipinatupad na lockdown sa gitna ng patuloy na pagtaas ng mga kaso ng Coronavirus Disease 2019 o COVID-19.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Butuan kay Bombo international correspondent Fr. Joseph Capon, taga Tubay, Agusan del Norte na ngayon ay nasa Vatican City, kinumpirma nitong naka-lockdown ang mga simbahan kaya solong nagsagawa ng misa kahapon ang Santo Papa sa chapel ng Casa Santa Marta sa Vatican hotel kung saan siya nakatira.

Sinusunod din ng Vatican City ang isang metrong distanya kung mag-uusap habang pinagbabawalan din silang lumabas ng kumbento maliban na lamang kapag nakahingi ng police clearance kung may pupuntahan pati na ang patungong ospital.

Isinasara na rin ang halos lahat na mga establishemento gaya ng paaralan, bangko, hotels, airport, coliseum at iba pa.

Kaugnay sa lockdown, may natanggap na raw siyang reklamo mula sa mga Pinoy dahil hindi na sila makapagpadala ng pera sa kanilang pamilya dito sa Pilipinas.

Pahayag pa ni Fr. Capon na nasa red alert na ang Italy laban sa COVID-19 lalo na’t halos 500 na ang namatay doon at mahigit sa 9,000 ang nadapuan.