Lumagpas na sa 5% na itinakda ng World Health Organization (WHO) ang COVID-19 positivity rate o porsyento ng nagpopositibo sa virus mula sa mga nasuring indibidwal sa Metro Manila.
Ayon kay OCTA Research fellow Dr. Guido David, pumalo sa 6.5% ang covid-19 positivity rate sa rehiyon noong Abril 8 mula sa 4.4% noong Abril 1 ng kasalukuyang taon.
Ito ay bunsod na rin ng patuloy na pagtaas ng mga dinadapuan ng sakit sa nakalipas na unang linggo ng buwan ng Abril.
Kabilang sa mga lugar na lumagpas sa 5% benchmark ay ang Benguet, Camarines Sur, Cavite, Cebu, Davao del Sur, Isabela, Misamis Oriental, Negros Occidental, Palawan, Rizal, at South Cotabato.
Sa kabila nito, sinabi ni Department of Health officer in charge Ma. Rosario Vergeire na nananatiling insignificant pa rin ang pagtaas ng kaso ng covid-19 sa bansa dahil nananatiling mababa at napapangasiwaan pa rin ang hospital utilization.