-- Advertisements --

Iniulat ng independent pandemic monitoring group na OCTA Research na tumaas ang COVID-19 positivity rate o ang bilang ng mga nagpopositibo sa deadly virus sa Metro Manila at sa 10 iba pang mga lugar sa bansa mula June 25 hanggang June 29.

Ayon kay Dr. Guido David, OCTA Research fellow, nasa walong lugar dito ang lagpas sa 5% na benchmark ng World Health Organization (WHO).

Kabilang dito ang Cavite na tumaas sa 13.2% ang positivity rate mula sa 5.9%, Rizal (9.7%), Laguna (8.8%), Pampanga (7.7%), Metro Manila (7.5%), Iloilo (6.9%), Batangas (6.6%) at Benguet (6%).

Ayon kay Dr David nasa tatlong lugra ang tumaas ang positivity rate subalit hindi naman lagpas sa WHO benchmark gaya ng Bulacan na tumaas sa 4% mula sa dating 2.9%, Cebu may 3.5% mula sa 2.8% at Davao del Sur na umakyat sa 3.3% mula sa 2.1%.

Base naman sa latest available data mula sa Department of Health, lumalabas na ang kabuuang positivity rate ng bansa ay pasok pa rin sa WHO benchmark na nasa 3.7%.