-- Advertisements --

NAGA CITY- Pinaghahanap ngayon ang isang babae na umanoy tumakas mula sa Quarantine area sa bayan ng Tinambac Camarines Sur.

Sa opisyal na pahayag ni Tinambac Mayor Ruel Brioso, napag-alaman na positibo sa Coronavirus Disease ang kinilalang si Bicol #6930, 52-anyos residente ng Barangay Salvacion, Tinambac.

Nabatid na matapos lumabas ang resulta mula sa Department of Health ay dito na rin umano napag-alaman na wala na sa nasabing quarantine area ang nasabing pasyente.

Agad naman umanong nagsagawa ng aksyon ang Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) katuwang ang mga otoridad.

Kaugnay nito nanawagan naman ang alkalde sa mga residente at sa mga nakakilala at nakakita sa nasabing pasyente na agad itong ipagbigay alam sa MDRRMO.

Nababahala umano kasi ang alkalde sa posibleng dalang peligro ng nasabing pasyente hindi lamang sa kanilang lugar kung hindi pati narin sa mga makakasalamuha nito.