-- Advertisements --

Itinuturing ni UN Secretary-General Antonio Guterres ang COVID-19 pandemic bilang pinakamalalang krisis na nangyari sa mundo magmula noong World War II.

Banta kasi aniya ang naturang sakit sa kahit sinuman sa buong mundo, at ang economic impact nito ay inaasahang magdudulot ng kahindik-hindik na recession na walang katulad sa nakaraan.

“The combination of the two facts and the risk that it contributes to enhanced instability, enhanced unrest, and enhanced conflict are things that make us believe that this is the most challenging crisis we have faced since the Second World War,” ani Guterres.

Gayunman posible lamang aniya ang isang malakas at epektibong pagtugon sa sitwasyon kung magkakaisa ang bawat isa at kalimutan ang aniya’y “political games” at intindihin at isaisip na kinabubukasan ng tao ang nakasalalay.

Nabatid na mahigit 40,000 katao na ang nasawi dahil sa mabilis na pagkalat ng COVID-19 sa iba’t ibang bahagi ng mundo.

“We are slowly moving in the right direction, but we need to speed up, and we need to do much more if we want to defeat the virus,” dagdag pa nito.

Nitong araw lang ay bumuo ang United Nations ng bagong pondo para tulungan ang mga developing na bansa kasunod nang apela noong nakaraang linggo para sa mga donasyon sa mga mahihirap at mga bansang apektado ng sigalot.