-- Advertisements --

CAGAYAN DE ORO CITY – Idineklara na ng Misamis Oriental Provincial Board ang state of calamity dahil sa patuloy na paglobo ng bilang ng mga nagpositibo ng Coronavirus Disease 2019 (COVID-19) sa buong bansa.

Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Sangguniang Panlalawigan Board Member Gerardo Sabal na may ipinasa silang resolusyon upang maihanda na ang pondo para sa panahon ng emergency kung kinakailangan.

Aniya, nagsimula ang kanilang deklarasyon base sa abiso ni Misamis Oriental Governor Bambi Emano bilang precautionary measures at upang makapaghanda ang probinsiya kung sakaling may magpositibo sa virus.

Dagdag pa nito na hindi makakapayag si Gov. Emano na hintayin pang may magpositibo bago gagawa nang hakbang na pipigil sa nakakamatay na COVID-19.

Una nang idineklara ni Pangulong Rodrigo Duterte ang State of Public Health Emergency sa gitna ng patuloy na pag-akyat ng bilang ng mga kaso ng coronavirus.