-- Advertisements --

Binigyan diin ni Interior Sec. Eduardo Año na maayos ang COVID-19 measures na ipinapatupad ng pamahalaan sa kabila ng pahayag ng World Health Organization (WHO) na ang Pilipinas ang may pinakamabilis na pagsirit ng numero sa COVID-19 infections sa Western Pacific Region.

Sa isang panayam, sinabi ni Año na inaasahan talaga ng pamahalaan ang pagtaas ng bilang ng mga nahahawa sa COVID-19 sa bansa dahil sa pinaigting testing capacities.

Sa ngayon nasa lima hanggang anim na porsiyento ang positivity rate sa bansa, at target nilang mapababa ito sa tatlong porsiyento at kalaunan ay kahit sa isang porsiyento.

Bumuwelta naman si Año sa pagkukumpara sa COVID-19 efforts ng Pilipinas sa ginagawang hakbang ng Singapore.

Hindi aniya patas na ikumpara ang dalawang bansa bagkus ang Singapore ay maliit lamang na bansa na may maliit na populasyon kumapara sa Pilipinas.

“If we look at per population of 100,000, they have about 41 per 100,000. We have about seven point something per 100,000… So we are still doing okay even way below global average,” saad ng kalihim.

Iginiit ni Año na kung hindi nagpatupad ng quarantine measures ang pamahalaan, sa ngayon aniya ay marahil umabot na ng himigit kumulang 3 million na ang nahahawa sa COVID-19 at nasa 100,000 naman ang nasawi dito.

Kung tutuusin, mas maayos pa nga ang ginagawang mga hakbang ng Pilipinas kaysa ibang mga bansa.