-- Advertisements --

Sumampa na sa 71 ang naitalang Covid-19 fatalities sa hanay ng Philippine National Police (PNP).

Ayon kay PNP Chief Gen. Guillermo Eleazar, ang nasawi ay isang 47- anyos na Pulis na may ranggong Staff Master Sergeant at nakatalaga sa Lupon Municipal Police Station sa Davao Oriental.

Nasawi ang nasabing Pulis noong mismong araw ng Kalayaan noong Hunyo a-12 matapos itong mahirapang huminga sa pagamutan.

Dagdag pa ng PNP Chief, hindi pa nababakunahan ng COVID 19 vaccine ang nasawing Pulis sublit wala naman itong iba pang karamdaman tulad ng pneumonia at trangkaso.

Sa kasalukuyan, may 164 na bagong kaso ng COVID 19 ang naitala sa hanay ng PNP kaya’t pumalo na ito sa 25,866 kung saan ay nasa 1,865 dito ang aktibong kaso.

Nadagdagan din ng 89 ang bilang ng mga gumaling sa sakit kaya’t umakyat naman na sa 23,930 ang total recoveries sa COVID 19 sa hanay ng Pambansang Pulisya.