-- Advertisements --

Naging matagumpay ang ikatlong araw nang implementasyon ng “Clustered Palengke Day” sa Bacoor City upang maiwasan ang dami ng tao sa palengke habang umiiral ang Enhanced Community Quarantine (ECQ).

Napagdesisyunan ni Mayor Lani Mercado Revilla na gawing by clusters ang pagpunta sa Zapote Market matapos dagsain ng mamimili ang nasabing palengke noong nakaraang linggo.

May kani-kaniyang araw ng schedule ang 73 barangays sa lungsod at kapansin-pansin ang magandang epekto ng hakbang na ito.

Nabawasan kasi ang bilang ng mga taong pumunta sa Zapote Market at patuloy pa rin ang pagpapatupad ng Social Distancing.

Pinapayagan ang 10 hanggang 12 barangays na magpunta ng palengke para mamili ng kanilang mga pagkain.

Ang bawat isa ay nakasuot ng face masks at may dalang quarantine pass.

Lubos naman ang pasasalamat ng lokal na pamahalaan ng Lungsod ng Bacoor sa lahat ng Bacooreño dahil sa patuloy na ipinapakitang kooperasyon ng mga ito.

Sa ngayon ay walang bagong kaso ng COVID-19 sa Bacoor mula noong ika-12 ng Abril.-