-- Advertisements --

Nasa 33,069 na ang kabuuang bilang ng COVID-19 cases sa Pilipinas, ayon sa pinakabagong data ng Department of Health (DOH).

Mula sa 778 na mga bagong kaso ng sakit, 415 ang “fresh cases” o mga kaso ng COVID-19 na lumabas ang resulta at na-validate sa nakalipas na tatlong araw.

May 363 namang “late cases” o mga kaso ng sakit na lumabas ang resulta sa nakalipas na apat na araw pero ngayon lang na-validate.

Sa parehong bilang na iyan, pinakamarami ang naitala mula sa National Capital Region.

Sa fresh cases, 250 ang galing sa nasabing rehiyon. Habang 202 ang sa late cases.

Pumalo naman na sa 8,910 ang total recoveries dahil sa 255 na bagong gumaling.

Samantalang walo ang bagong naitalang namatay, kaya ang total deaths ay nasa 1,212 na.

Ayon sa DOH, sa pagitan ng mga petsang June 1 hanggang 21 namatay ang walong bagong death cases.

May apat na duplicate cases naman ang tinanggal mula sa kabuuang bilang ng mga kumpirmadong kaso.

Ang mga impormasyon na ito ay bunga raw ng patuloy na paglilinis sa backlog ng DOH at validation.