-- Advertisements --

Kinumpirma ng ilang alkalde sa Metro Manila na residente ng kanilang lungsod ang ilan mula sa 33 kaso ng nag-positibo sa coronavirus disease (COVID-19).

Sa isang press briefing sinabi ni San Juan City Mayor Francis Zamora na pito mula sa total na bilang ang nakatira sa kanyang lungsod.

“As of 6 p.m. last night, San Juan has seven confirmed COVID cases. Yung dalawa may history of travel sa Bali, Indonesia, yung isa under investigation pa,” ani Zamora.

Una ng sinabi ni Parañaque City Mayor Edwin Olivarez na dalawang residente ng San Juan ang nag-test positive sa COVID-19 habang naka-admit sa Unihealth –Parañaque Hospital. Na-transfer na raw sila sa Research Institute for Tropical Medicine.

Sinabi naman ni Marikina City Mayor Marcelino Teodoro sa isang panayam, na lima na mula sa 33 cases ang galing naman sa kanilang lugar.

Kung maaalala, unang kinumpirma ni Teodoro na residente ng Marikina ang Case No. 9 na American national, at may travel history sa Estados Unidos at South Korea.

Ayon sa Department of Health (DOH), kritikal ang kondisyon nito at ng Case No. 5 na mula Cainta, Rizal at regular na bumibisita sa isang Muslim prayer hall sa Brgy. Greenhills, San Juan.

Kinumpirma naman kahapon ni Quezon City Mayor Joy Belmonte na tatlo sa mga kaso ang mula sa kanyang lungsod. Wala pang update ang alkalde kung nadagdagan ang kanilang count sa bilang.