-- Advertisements --

Nakatakdang amiyendahan ng Department of Health (DOH) ang guidelines na ipinatutupad nito ukol sa alokasyong kama ng mga pagamutan para sa COVID-19 cases.

Ayon kay Health Usec. Maria Rosario Vergeire, tugon ito ng kagawaran sa ilang ospital na nahihirapang maabot ang 30-percent na minandatong alokasyon para sa mga pasyente ng sakit.

“Kasi doon sa policy natin na mayroon tayo ngayon, ang mga ospital kailangan 30-percent ang allocated na bed and then may certain percentage per surge capacity.”

Sa ilalim daw ng bagong guidelines, inaatasan ang public hospitals na maglaan na nang inisyal na 30-percent ng kanilang bed capacity para sa COVID-19 cases.

“Kapag nag-surge pwedeng mag-increase to 50-percent, pag kailangan pa rin (they) may increase to 70-percent of their bed capacity.”

Samantala, binaba naman sa 20-percent ang mandatong alokasyon mula sa private hospitals. Pinaghahanda rin sila ng karagdagang 10-percent bed capacity sakaling dumami pa ang kanilang COVID-19 patients.

Ayon kay Vergeire, pinag-aaralan na rin nila, kasama ang ilang ahensya ng pamahalaan, ang posibilidad na bigyan ng insentibo ang mga pribadong ospital na magpapalawig pa ng pasilidad para sa mga pasyenteng tinamaan ng coronavirus disease.

Sa ngayon hindi daw nakikita ng DOH ang pangangailangan nang pagtatayo ng mga bagong ospital, dahil ilang pagamutan naman ang naghanda na ng expansion para sa COVID-19 cases.

“We have one in East Avenue (Medical Center), mayroon tayo sa Labor Hospital, Lung Center. These are the hospitals where they have new buildings, additional wings which are set to be open and it will be solely dedicated for COVID-19.”

“Hopefull in the coming weeks makakapagbukas tayo ng mga ospital na ‘yan para makapagdagdag tayo dito sa capacity natin to accept patients.”

Batay sa DOH situational report, as of July 20, 51-percent ng dedicated ng COVID-19 beds sa buong bansa ang okupado ng suspect, probable at confirmed cases.