CENTRAL MINDANAO- Tumanggap ng preskong gulay, 10 kilong bigas at iba pa ang libo-libung mga residente na may kapansanan sa probinsya ng Cotabato.
Sinabi ni Cotabato Governor Nancy Alaan Catamco, abot sa mahigit 800 mga PWDs sa bayan ng Arakan, mahigit 400 sa bayan ng Antipas at halos 500 naman sa President Roxas ang nakatanggap ng ayuda.
Todo pasasalamat naman ng mga PWD sa tulong ng provincial government sapagkat hindi sila napapabayaan sa kabila ng krisis na dulot ng COVID-19.
Maliban sa mga PWD, sabay ring nakatanggap ng tulong ang mga Barangay Nutrition Scholars o BNS at Barangay Health Workers o BHW sa tatlong mga bayan kung saan bawat isa sa mga ito ay nabigyan ng P1000.
Kinumpirma rin ni Gov Catamco na susunod na mabibigyan ng tulong ang mga miyembro ng Barangay Peacekeeping and Action Team (BPAT) at mga Day Care workers.
Samantala, kasabay ng pamamahagi ng tulong ay binisita rin ni Catamco ang mga isolation facility sa bawat bayan.
Prayoridad nito na masigurong nakahanda at maayos ang isolation facility sa bawat bayan kung sakaling dadami ang kaso ng COVID-19 sa probinsya.