-- Advertisements --

Tahasang inamin ni US President Donald Trump na maaaring umabot hanggang buwan ng Hulyo o Agostoi ang nararanasang coronavirus pandemic ng Estados Unidos.

Hinikayat din ng American president ang lahat ng mga Amerikano na iwasan ang paglalakbay o pagtitipon-tipon sa mga pampublikong lugar bilang hakbang ng gobyeno na pabagalin ang pagkalat ng nasabing sakit.

Aniya, kung magtutulungan ang bawat isa sa mga pagbabago na kanilang mararanasan at magsasakripisyo para sa lahat ay siguradong mapagtatagumpayan ng bansa ang kinakaharap nitong krisis.

“If everyone makes this change, or these critical changes and sacrifices now, we will rally together as one nation and we will defeat the virus. We’re going to have a big celebration all together,” saad ni Trump.

Kasabay ng kaniyang panawagan ay inilabas din nito ang mga panibagong guidelines. Kasama na rito ang hindi pagpapahintulot na magsagawa ng pagtitipon na aabot sa 10 katao, pag-iwas sa discretionary travel, pagkain sa mga bars, restaurants at food courts.

Isinusulong din ng Trump administration ang work o schooling from home kung posible.

Nilinaw naman ni Dr. Anthony Fauci, direktor ng National Institute of Allergy and Infectiouis Diseases na ang inilabas na guidelines ni Trump ay hindi nangangahulugang magtatagal pa ang krisis ngunit ang naturang timeline ay isa lamang potential trajectory ng coronavirus outbreak.

“The guidelines are a 15-day trial guideline to be reconsidering. It isn’t that these guidelines are going to be in effect until July. What the president was saying is that the trajectory of the outbreak may go until then,” ani Fauci.