-- Advertisements --

BEIJING – Lumalabas sa pag-aaral ng Wuhan Institute of Virology na wala mula sa tatlong strain ng coronavirus ng paniki nila ang nag-match sa pandemic ngayon na COVID-19.

Sentro ng batikos sa Estados Unidos ang naturang laboratoryo na inaakusahang pinagmulan ng sakit.

Ayon kay Dr. Wang Yanyi, naka-isolate sa kanilang pasilidad ang coronavirus strains na nakuha mula sa mga paniki.

Pero nasa 79.8-percent lang ang match nito sa katangian ng SARS-CoV-2 na nagdudulot ng COVID-19, batay sa ginawa nilang pananaliksik.

Simula 2004 ay pinag-aaralan na raw ng research team ni Prof. Shi Zhengli ang bat coronaviruses. Naka-sentro raw ito sa pinagmulan noon ng sakit na SARS.

Pero ang nasabing pag-aaral ay hindi umano binigyan ng focus kung ano mga virus na malayo ang pagkakapareho sa SARS virus.

Kung maaalala, sinabi ni US President Donald Trump na posibleng kumalat mula sa Virology Institute ng Wuhan ang sakit.

Pero para sa mga Chinese scientists, galing sa isang palengke sa Wuhan City ang sakit.(AFP)