Wala umanong responsibilidad si President Donald Trump sa mga natatanggap na tawag ng iba’t ibang estado sa Amerika hinggil sa paggamit ng disinfectant bilang gamot laban sa coronavirus disease.
Sa isinagawang coronavirus briefing sa White House, sinabi ni Trump na hindi niya raw lubos maisip na siya ang sinisisi sa pagdami ng mga taong umiinom ng disinfectant.
Isa kasi ang Maryland sa mga estadong naglabas ng babala hinggil sa paggamit ng disinfectant matapos umano nilang makatanggap ng sunod-sunod na tawag ukol dito.
Ayon sa Maryland Emergency Management, ang babala na ito ay magsisilbi raw na paalala sa bawat isa na hindi dapat iinject o inumin ang kahit anong disinfectant product.
Kung maaalala, umani ng kabi-kabilang batikos mula sa mga siyentipiko at health experts si Trump dahil sa suhestyon nito na gamiting gamot laban sa COVID-19 ang disinfectant.